CAUAYAN CITY – Tatlong tao ang nasugatan habang 13 na individual ang inilikas sa pagtama ng magnitude 6.4 na lindol sa Dalupiri, Island sa Calayan, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Calayan Mayor Joseph ‘Jong’ Llopis, sinabi niya na labis siyang nangamba dahil ito na ang pinaka-malakas na lindol na tumama sa isla.
Bago maramdaman ang pagyanig ay narinig niya ang malakas na ugong na senyales na may tatamang lindol.
Ito aniya ay naranasan niya noong tumama ang malakas na lindol sa Baguio City noong 1990 na ikinasawi ng libu-libong tao.
Nang marinig niya ang ugong ay agad siyang lumabas ng bahay at naging totoo ang kanyang kutob dahil sumunod ang malakas na pagyanig na tumagal ng ilang segundo.
Agad siyang nag-dispatch ng mga opisyal ng barangay at personnel ng Calayan Police Station para sa assessment.
Isang bahay ang napinsala matapos bumagsak ang pader ng bahay at madaganan ang tatlong tao.
Ligtas ang dalawang bata habang ang isang dalagita ay dinala sa mainland Cagayan para sa karagdagang atensiyong medikal dahil nawalan ng malay matapos madaganan ng pader.
Patuloy ang assessment sa paliparan, mga eskwelahan at munisipyo dahil sa ilang crack na dulot ng lindol.
Ayon kay Mayor Llopis, sinuspinde niya ang klase sa mga paaralan para mabigyang daan ang gagawing assessment lalo at may isang paaralan ang nagtamo r ng mga bitak.
Wala namang naitalang pagbabago sa sink hole na nasa barangay Magsidel subalit inaasahan niya na magkakaroon ng epekto sa sinkhole ang naganap na lindol.