CAUAYAN CITY– Patuloy ang imbestigasyon ng Diadi Police Station sa salpukan at pagliyab ng dalawang trailer truck na nagbunga ng pagkasugat ng tatlong tao sa national highway sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauyan sa sa Diadi Police Station, ang nagbanggaan ay isang Howo trailer truck na minamaneho ni Wilfredo Faustino, 66 anyos at residente ng Malolos, Bulacan at isang Izuzu trailer truck na minaneho ni Walter Taguinod, 44 anyos at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Sa imbestigasyon ni PEMS Denish Estrada ng Diadi Police Station, binabagtas ng dalawang truck ang magkasalungat na direksiyon nang mangyari salpukan ng mga ito sa palikong bahagi ng daan.
Dahil sa lakas ng banggaan ay parehong nagliyab ang dalawang truck.
Nadamay sa pagkasunog ng mga ito ang tindahan at bahay na pag-aari ni Delmar Garcia.
Kapwa nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang driver ng dalawang trailer truck at ang helper na si Christopher Flores, 42 anyos na pawang dinala sa isang ospital.
Tumagal ng higit isang oras bago naapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) Diadi ang sunog na tumupok sa dalawang truck.






