CAUAYAN CITY – Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa naganap na sagupaan sa mga lalawigan ng Cagayan at Kalinga kahapon ng hapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army na nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng 95th Infantry Battalion at nasa halos 20 kasapi ng Komunistang Teroristang NPA sa Sitio Biguc, Barangay Cielo, Buguey, Cagayan.
Ikinasawi ito ng dalawang NPA at pagkakarecover ng dalawang R4 rifle, isang M16 rifle at isang M653 rifle.
Samantala, isa ring rebelde ang nasawi sa naganap na engkwentro sa pagitan ng 50th Infantry Battalion at halos dalawampung miyembro ng Komunistang Teroristang Grupo sa Sitio Angod, Barangay Poswoy, Balbalan, Kalinga kahapon ng hapon.
Isa ang naitalang patay sa panig ng NPA at isang M16 rifle ang narecover sa pinangyarihan ng labanan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng mga sundalo sa mga tumakas na mga rebelde sa Cagayan at Kalinga.
Inaasikaso na rin ng mga sundalo ang pagbaba sa bangkay ng tatlong NPA na nasawi.
Nanawagan ang pamunuan ng 5TH ID sa mga natitirang rebelde na sumuko na upang matulungan sila ng pamahalaan at magbalik na sa normal ang kanilang pamumuhay.