Naipagbili ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlo pang luxury vehicles na pag-aari ng mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya matapos isagawa ang subasta ngayong Miyerkoles, Pebrero 25.
Nabenta sa Igorot Stone Kingdom Inc. ang 2022 Cadillac Escalade ESV sa halagang P6,623,000. Ang naturang kompanya rin ang nakakuha ng Rolls-Royce ng mag-asawa sa naunang auction noong Pebrero 11 sa presyong P29 milyon.
Samantala, nakuha ng Cantinetta Espresso Concepts ang 2024 Lincoln Navigator sa halagang P8,950,000, habang napunta naman sa TDY Consumer Goods Trading ang 2022 Bentley Bentayga.
Hindi naman naibenta ng BOC ang iba pang high-end vehicles ng mga Discaya, kabilang ang 2022 GMC Yukon Denali, 2021 Cadillac Escalade, 2022 Maserati Levante Modena, at 2022 GMC Yukon XL Denali.
Kasama rin sa hindi nabentang mga sasakyan ang 2024 Ferrari SF90 Stradale (Mansory), 2023 Rolls-Royce Phantom, 2022 Mercedes-Benz G650 V12 Biturbo, 2024 BMW XM, at 2018 Lexus LX570.











