CAUAYAN CITY – Patay ang tatlong katao habang umaabot sa 36 ang sugatan sa pagbaligtad ng pampasaherong jeepney sa Cudal, Tabuk City, Kalinga kaninang alas-10:00 ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Irene Mayaoyao, 40, at ang mga estudyante na sina Vandam Mayaoyao at Hero Wackisin, pawang residente ng Tanudan, Kalinga.
Nadaganan ng bumaligtad na jeep ang isa sa mga estudyante na nasawi sa aksidente.
Ang jeep na may plakang ADA 388 ay minaneho ni Ramos Mayaoyao at pag-aari ni Barangay Kapitan Amado Caltiyao.
Sinasabing marami ang sakay ng jeep dahil punung-puno sa loob at marami pa ang nasa topload.
Lumabas sa pagtatanong ng Tabuk City Police Station kay Ramos Mayaoyao na nawalan siya ng kontrol sa manibela sa pababang bahagi ng daan sa Barangay Cudal.
Ang driver ay nasa kustodiya na ng Tabuk City Police Station at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple injuries.
Karamihan sa 36 na nasugatan ay nilalapatan ng lunas sa Kalinga Provincial Hospital habang ang iba ay nasa pribadong ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Denver Flores na ang kanyang anak na natusok ng buho sa kanyang puwitan ay patungo sana sa Bulanao, Tabuk City para sa exam sa pag-aaral ng computer nang maganap ang aksidente.