--Ads--

CAUAYAN CITY – Ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting ang tatlong kasapi ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Batallion (RMFB) na nasugatan sa kanilang pakikipagsagupa sa mga miyembro ng NPA Oktubre 22, 2019 sa San Guillermo Isabela.

Sila ay sina Patrolman Olasan, Corporal Vinasoy at Patrolman Alfred Taliano.

Ang paggawad ng medalya na may kalakip na tulong pananalapi ay pinangunahan ni BGen. Angelito Casimiro, panrehiyong director ng Police Regional Office (PRO2) kasabay ng kanyang pagbisita sa mga nasugatang pulis.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGen Casimiro, sinabi niya na nalulungkot siya sa pangyayari lalo na at isa sa kanilang hanay ang nasawi na si Patrolman Henry Gayaman ng Victoria, Aglipay, Quirino.

--Ads--

Ayon pa kay BGen Casimiro, pinamamadali na nila ang pagbili ng mga equipment na karagdagang gagamitin ng mga kasapi ng PNP kabilang ang helmet, vest at helicopter na puntiryang mabili sa  Disyembre para magamit sa taong 2020 sa anumang operasyon.

Hinikayat din niya ang makakaliwang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan para sa pagkamit ng ganap na kapayapaan.

Ang tinig ni BGen Angelito Casimiro

Pagkatapos na mabisita ang nagpapagaling pulis sa isang pribadong ospital sa Lunsod ng Cauayan ay nagtungo ang grupo ni BGen Casimiro sa lalawigan ng Quirino upang bigyan ng posthumous award ang nasawing si Patrolman Henry Gayaman.

Matatandaan na nakasagupa ng grupo ng 205th Maneuver Company ang tinatayang 30 na NPA sa bahagi ng Burgos, San Guillermo Isabela matapos  tugunan ang natanggap na impormasyon hinggil sa  presensiya ng makakaliwang grupo.

Matapos ang sagupaan sa Burgos, San Guillermo dakong alas singko ng madaling araw noong Oktubre 22, 2019 ay naganap ang ikalawang bakbakan sa San Mariano, Norte, San Guillermo dakong alas kuwatro ng hapon.

Hinihinalang may mga nasugatan na kasapi ng NPA dahil sa mga bakas ng dugo.

Kahapon ay natagpuan ng mga residente sa isang sapa sa Colorado, San Guillermo ang bangkay ng isang lalaki na hinihinalang miyembro ng NPA.