(UPDATE) CAUAYAN CITY – Nasa maayos nang kalagayan ang tatlong pulis na nasugatan sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa itinuturing na top most wanted person sa buong bansa.
Isisisilbi sana kahapon ang warrant of arrest laban sa akusado na si Willie Sagasag sa Lubuagan, Kalinga dahil sa kanyang mga nakabinbin na kaso subalit pinaputukan umano nito ang pulisya kaya napilitan ang tropa ng Kalinga Provincial Public Safety Company o PPSC na gumanti ng putok.
Gayunman, 4 na pulis na pawang miyembro ng PPSC ang namatay matapos silang pagbabarilin ng akusado gamit ang isang M16 armalite rifle.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na si P/Sr. Supt. Brent Madjako, sinabi niya na natunugan ng akusado ang operasyon kaya nagtago at biglang pinaputukan ang mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest.
Ayon pa kay Sr/Supt. Madjako, nauiwi na sa kani-kanilang pamilya ang bangkay ng 4 na pulis na namatay sa insidente.
Kinumpirma din ng opisyal na may patong sa ulo na K-600 ang akusadong si Sagasag na top most wanted person sa National Level.