--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa calibrated lockdown ang tatlong purok sa barangay Quirino, Naguilian, Isabela matapos na makapagtala kahapon ng 13 bagong positibong kaso ng COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Juan Capuchino ng Naguilian, Isabela, sinabi niya na nauna nang nagsagawa ng pulong ang Local Inter-Agency Task Force matapos na makapagtala ng maraming bagong kaso ng COVID-19 mula sa apat na barangay.

Sinabi ni Mayor Capuchino na nakakaaalarma ang naturang bilang ng nagpositibo sa loob lamang ng isang araw.

Ilan sa mga barangay na nakapagtala ng kaso ay ang barangay Quirino na may 13, barangay Minallo na may tatlo, barangay Magsaysay na may dalawa at isa mula sa barangay Roxas.

--Ads--

Lumalabas sa contact tracing na ang mga nagpositibo sa tatlong purok sa barangay Quirino ay pawang magkakamag-anak at nakasalamuha ang naunang nagpositibo na isang empleyado subalit hindi pa matukoy kung saan niya nakuha ang virus..

Ayon kay Mayor Capuchino, nagbigay na sila ng mga food packs sa mga apektadong residente mula sa tatlong purok ng barangay Quirino upang wala nang rason para sila ay lumabas.

Nakurdonan na rin ang mga bahay ng mga pasyenteng nagpositibo sa virus mula sa tatlo pang barangay.

Pag-aaralan nila katuwang ang Municipal Health Office (MHO) at Municipal Disaster Risk Reduction and  Management Office (MDRRMO) kung ilang araw ang itatagal ng calibrated  lockdown.

Lahat ng mga nagpositibo ay inilagay sa quarantine facility at nasimulan na rin ang contact tracing kahapon.

Ang mga symptomatic ay agad na kinunan ng swab sample habang maghihintay  ng lima hanggang pitong araw ang mga asymptomatic bago makunan ng swab sample.

Pinayuhan ni Mayor Capuchino ang mga opisyal ng barangay na ugaliing paalalahanan ang kanilang mga naasakupan na sumunod sa mga  minimum health protocols.

Ang pahayag ni Mayor Juan Capuchino.