
CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang Indian National at magkasintahan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Patul, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Traffic Enforcement Unit, ang nagmamaneho ng isang sangkot na motorsiklo ay ang Indian National na si Indeer Jeet, nasa tamang edad, negosyante, may asawa at pansamantalang naninirahan sa Rosario, Santiago City.
Ang tsuper naman ng isa pang motorsiklo ay si Jherald Babural, 27-anyos, sales agent at angkas nito ang kasintahan na si Glaizy Conde, 22-anyos, sales agent na kapwa residente ng Rosario, Santiago City.
Batay sa SCPO Traffic Enforcement Unit, sa kuha ng CCTV Camera ay parehong binabagtas ng dalawang motorsiklo ang daan patungong Brgy. Villa Gonzaga kung saan makikita na nasa unahan ang motorsiklong minamaneho ng indian national habang nasa likuran nito ang motorsiklong minamaneho ni Babural.
Makikita rin na bago lumiko ang motorsiklo ni Jeet ay nagflasher siya na palatandaan na siya ay liliko ngunit sa kanyang pagliko ay bigla na lamang itong binangga ng mabilis na motorsiklo ni Babural.
Nagtamo ng malalang pinsala ang dalawang motorsiklo habang nasugatan sa mukha, braso at binti si Babural at Conde.
Ang indian national naman ay nagtamo ng galos sa braso.
Ang mga biktima ay agad na nilapatan ng lunas ng mga tumugon na kasapi ng Rescue 1021.
Ayon sa mga awtoridad, lango sa alak si Babural nang mangyari ang aksidente.










