--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang kasapi ng Public Order and Safety Department (POSD) Cauayan City.

Ang biktima ay si Rolando Sales, 37 anyos, may-asawa at residente ng Carabatan BacareƱio, Cauayan City.

Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, si Sales ay patungo sa kalunsuran habang lulan ng kanyang sasakyan nang makasalubong ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklong walang plaka na nakasuot ng itim na jacket.

Dito ay bumunot ng baril ang angkas at pinagbabaril ang biktima ng ilang beses.

--Ads--

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagawa namang tumakbo ni Sales patungo sa bahay ng kanyang kamag-anak sa Barangay Alicaocao, Cauayan City na siyang nagdala sa kanya sa pagamutan.

Samantala, patuloy na pinaghahanap ng San Mariano Police Station ang dalawang suspek sa pamamaril sa 2 ring lalaki sa Cadsalan, San Mariano, Isabela.

Ang mga biktima ay sina King Aglugob, 29 anyos, at Jessie Rabago, kapwa residente ng nasabing barangay.

Magugunita na ang mga biktima ay sakay ng motorsiklo patungo sa kanilang trabaho ng pagbabarilin ng mga suspek na sina Gilbert Rabago at Rodnick Sales.

Si Aglugob ay nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang kamay habang tinamaan sa leeg ang kanyang kasama na si Rabago.

Si Aglugob ay kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan habang si Rabago ay nakalabas na ng ospital.

Personal na alitan ang tinitignang motibo sa pamamaril dahil bago naganap ang pamamaril ay nagkaroon ng alitan sina Aglugob at Guilbert Rabago.