--Ads--

CAUAYAN CITY– Sasampahan ng kaso ang 3 tao na naaresto sa Jones, Isabela dahil sa paratang na kasabwat ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumalakay noong gabi ng Sabado sa Maddela Police Station sa lalawigan ng Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr.Supt. Merwin Cuarteros, Provincial Director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) na ang 3 na isang babae at 2 lalaki na sakay ng puting van na galing sa bayan ng Maddela, Quirino ay naharang sa Jones, Isabela. 

Itinanggi ng tatlo na sumasailalim na sa masusing imbestigasyon na sila ay miyembro ng NPA. 

Matatandaang napatay sa palitan ng putok si PO2 Jerome Louie Cardenas sa pagsalakay ng umaabot sa 70 kasapi ng NPA sa Maddela Police Station dakong alas diyes ng gabi noong Sabado, April 29, 2017.

--Ads--

Tinangay ng mga rebelde ang 13 na armas ng mga pulis maging ang ilan nilang uniporme, combat shoes at isang laptop.

Tinangay din ng mga NPA ang 2 police service vehicles  at si SPO4 Antonio Siriban ngunit iniwan  ng mga rebelde ang pulis at ang 2  sasakyan sa barangay Cabua-an, Maddela, Quirino.

Agad inako ng Venerando Villacillo Command ng NPA sa Quirino ang pag-atake sa Maddela Police Station.