--Ads--

CAUAYAN CITY -Tatlong tao ang nasugatan makaraang masangkot sa aksidente sa Cauayan City.

Unang nasangkot sa aksidente sa Brgy. San Fermin, Cauayan City si Michael Maniego, 32 anyos, binata, at residente ng Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na mabilis ang pagpapatakbo ni Maniego ng kanyang motorsiklo nang mawalan siya ng kontrol sa manibela at sumemplang sa sementadong lansangan.

Nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.

--Ads--

Kaagad tumugon ang Rescue 922 at dinala sa ospital si Maniego.

Samantala, sinisiyasat na rin ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang insidente ng hit and run na nangyari sa barangay Nungnungan Uno.

Ito ay makaraang mabangga ng hindi pa matukoy na uri ng sasakyan ang tricycle na sinakyan ng mga biktimang sina Eduardo Calderon at Miko Villacena, 23 anyos, binata, isang pintor, na kapwa residente ng Minante uno, Cauayan City.

Sa paunang imbestigasyon ng PNP Cauayan City ang tricycle na minamaneho ni Calderon ay patungo sa hilagang direksyon nang mabangga ng hindi pa matukoy na sasakyan ang likurang bahagi ng nasabing tricycle.

Mabilis naman tumakas ang nasabing sasakyan at sinusuri na ng PNP Cauayan city ang kuha ng CCTV camera sa nasabing lugar.

Ang dalawang sugatan ay nananatili pa rin sa isang pribadong pagamutan upang malapatan ng lunas ang kanilang sugat.