CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtugis ng mga otoridad sa suspek bumato ng tangke ng LPG sa mag-ama na ikinasawi ng tatlong taong gulang na batang babae.
Nasugatan naman ang ama ng bata na kapatid ng pinaghihinalaan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Ronald Laggui, Police Community Relations Officer ng Isabela Police Provincial Office, ang nasawing bata ay si Clumsy Samson habang nasugatan ang kanyang ama na si Rudy Samson, tatlumput walong taong gulang, self-employed.
Ang pinaghihinalaan na kapatid ni Rudy ay si Rolando Samson, apatnaput limang taong gulang at residente sa Vira, Roxas, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon ng Roxas Police Station na ang mag-ama ay nasa loob ng kanilang kwarto nang dumating ang suspek at nais makausap ang kapatid kaugnay ng hiniram na pera.
Tumanggi si Rudy na makipag-usap sa suspek kaya lumabas at pagkatapos ng ilang minuto ay bumalik na may hawak na tangke ng LPG.
Ibinagsak niya ito sa nakahigang mag-ama na tumama sa ulo ni Rudy at bumalandra sa anak na si Clumsy na tinamaan din sa kanyang ulo.
Dinala sa ospital ang batang si Clumsy subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.




