--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabalik ang tatlong truck na naglalaman ng mga buhay na baboy na nasabat ng mga kasapi ng ASF task force sa checkpoint sa Alibagu, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, tinatayang nasa mahigit 80 buhay na baboy ang nasabat na lulan ng mga truck na sinasabing galing sa bayan ng Echague, Isabela na ibibiyahe patungo sa Tuguegarao City, Cagayan.

Ayon sa mga nagmamando sa naturang checkpoint, may nakalagay na food pass sa harap ng naturang mga truck ngunit kailangan nilang pahintuin ang mga ito alinsunod sa kautusan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok o pagdaan ng kahit na anong pork meat products lalo na ang mga buhay na baboy sa nasabing lunsod.

Una ng inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni City Agriculturist Moises Alamo na kasabay ng umiiral na enhanced community quarantine ay ang paghihigpit sa isinasagawang monitoring at inspeksyon sa mga pumapasok na sasakyan sa lunsod upang mapanatili ang lunsod ng Ilagan sa pagiging ASF free nito.

--Ads--

Todo bantay ngayon ang mga kasapi ng task force sa walong inilatag na checkpoint sa lunsod ng Ilagan upang mapigilan ang mga mamamayang magtatangkang magpasok at magpuslit ng mga baboy at meat products na maaaring nagtataglay ng ASF.