--Ads--

Naaresto ang tatlong hinihinalang sangkot sa umano’y pagtutulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang itinuturong maintainer ng drug den, sa isinagawang Anti-illegal Drug buy-bust operation sa Santiago City.

‎Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Tope,” 30 anyos at residente ng Barangay Mabini na itinuturong maintainer ng drug den at Alyas “Rosie,” 23 anyos at residente ng Barangay Victory Norte at Alyas “Juana,” 20 anyos at residente ng Barangay Mabini, pawang sa lungsod ng Santiago.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Investigation Agent 5 Armenio Gaudia, Provincial Officer ng PDEA Quirino at Santiago City, sinabi nitong ‎nagsagawa ng joint buy-bust operation ang kanilang tanggapan katuwang ang iba pang law enforcement agencies kung saan nagpanggap bilang poseur-buyer ang isang ahente at matagumpay na nakabili ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

‎Ayon pa kay Agent Gaudia, matagal nang mino-monitor ng mga operatiba si alias “Tope” mula pa noong nakaraang taon at dati na rin itong naaresto sa kaparehong paglabag, dahilan upang maituring bilang high-value target.

‎Nakumpiska sa operasyon ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na walong gramo at halagang ₱54,400, at hinihinalang marijuana na may bigat na humigit-kumulang dalawang gramo at halagang ₱240.

‎Narekober din ang buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad sa loob ng drug den.

‎Isinagawa ang operasyon ng PDEA RO2 Quirino Provincial Office katuwang ang PDEA CAR Ifugao, Santiago City Police Station 4, PDEG SOU 2, RIU, SCPO CIU, at SCPO CDEU.

‎Samantala, nanawagan ang PDEA sa publiko na patuloy na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad. Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mamamayan upang mapabilis ang aksyon ng mga awtoridad laban sa mga sangkot sa ilegal na droga.

‎Dagdag pa ng PDEA, ang pakikipagtulungan ng publiko ay susi upang tuluyang mabuwag ang mga drug den at iba pang ilegal na operasyon na nagdudulot ng panganib sa komunidad, lalo na sa kabataan. Tiniyak din ng ahensya na pananatilihing kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga impormante upang mahikayat ang mas marami pang mamamayan na makiisa sa kampanya kontra ilegal na droga.

‎Kasalukuyang nasa kostudiya na Ng mga Awtoridad ang suspek at mahaharap ang mga suspek ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.