CAUAYAN CITY – Tatlumpong benepisaryo ng pantawid pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa lunsod ng Cauayan ang posibleng matanggal sa listahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Project Development Officer 2 JM Bullanday ng DSWD, sinabi niya na noong mga nakaraang linggo ay nagpasa sila ng mga pangalan ng benepisaryo na matatanggal sa listahan at ngayon ay nadagdagan muli ng labing lima dahil batay sa kanilang house to house visit ay hindi na rin karapat dapat na maging benepisaryo ng 4Ps.
Gagawin nila ang case assessment na ihahain sa provincial office para maaprubahan bago ipasa sa kanilang regional office.
Ang ilan sa mga dahilan kaya inalis sa listahan ng 4Ps ay nakapag-patapos na ng mga anak mayroon ding kusang pumirma sa waiver dahil may kapamilyang nagtatrabaho sa ibang bansa na kaya nilang suportahan ang kanilang mga kapatid sa pag-aaral at may mga maliliit na negosyo.
Ayon kay Bullanday, patuloy pa rin ang kanilang monitoring sa pamamagitan ng pagbisita sa bahay ng mga benepisyaryo upang masiguro kung karapat-dapat na manatiling benepisyaryo sa nasabing programa.
Samantala, madalas naman nilang problema ay ang anak ng ilang benepisyaryo na bihira ng pumasok sa paaralan at hindi na nagpapasa ng kanilang mga module.
Nagsasagawa sila ng home visit para kapag namonitor nilang hindi pumapasok ang mga bata sa paaralan ay kakausapin nila ang mga magulang na bantayan din ang kanilang mga anak dahil sayang ang mga natatanggap nilang benepisyo.