CAUAYAN CITY – Inilikas ang 9 na pamilya o 30 indibidwal na mula sa Brgy. Piling Abajo dahil sa pagbaha na nararanasan bunsod ng tuloy tuloy na pagbuhos ng ulan.
Ayon sa Rural Health Unit ng Cabagan kasalukuyang nasa Magassi Evacuation Center ang mga inilikas na mga residente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dra. Marivic Binag Cortez sinabi niya na kasalukuyang naka-deploy o nakatalaga ang kanilang mga Nurse kasama ang mga kawani mula sa Lgu Cabagan at Cabagan Police Station para sa monitoring sa kalagayan at pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga residente.
Ayon pa kay Dr. Cortez, nakaantabay ang mga kagamitan na posibleng kailanganin ng mga residente katulad ng mga gamot at iba pa.
Batay naman sa Cabagan Police Station patuloy ang hanay sa ginagawang monitoring para sa posibleng mga pamilya pa na ililikas kung sakaling may mga pagbahang maitatala partikular sa mga mababang lugar.
Ang Brgy. Piling Abajo ay isa sa mga Brgy sa bayan ng Cabagan na unang nababaha kung may mga malalakas na pag-uulan.
Samantala sa Tumauini Isabela may nalubog nang mga kabahayan sa ilang purok ng Brgy. San Pedro dahil sa problema sa mga drainage canal.
Nais namang ipabatid ng pamunuan ng City Disaster Risk Reduction Management Office na nananatiling sarado sa publiko ang dalawang pangunahing overflow na binabantayan sa lunsod na kinabibilangan ng Cabisera 8, Baculud overflow bridge, Cabagan-Sto. Tomas at Sta. Maria-Cabagan Overflow bridge.