--Ads--

Mahigit 30 katao ang napatay at ilan pa ang dinukot matapos salakayin ng mga armadong lalaki ang isang nayon sa estado ng Niger sa hilagang Nigeria, ayon sa pulisya.

Sa pahayag ni Wasiu Abiodun, tagapagsalita ng pulisya ng Niger, sinabi niyang sinalakay ng mga gunmen ang Kasuwan Daji market sa Demo village bandang alas-4:30 ng hapon noong Sabado, sinunog ang mga tindahan at ninakaw ang mga pagkain.

Ayon sa pulisya, nagmula ang mga salarin sa National Park Forest sa Kabe district, na karaniwang nagiging taguan ng mga armadong grupo.

Noong Nobyembre, higit 300 mag-aaral at guro ang dinukot mula sa isang Catholic school sa Borgu, Niger state, bago sila pinalaya makalipas ang halos isang buwan.

--Ads--

Isa ang Niger state sa pinakamalubhang tinamaan ng karahasan nitong mga nakaraang buwan, na hirap kontrolin ng mga pwersang panseguridad.

Samantala, nagbanta si U.S. President Donald Trump ng aksyong militar kaugnay ng tinawag niyang “targeted killings” ng mga Kristiyano sa Nigeria—isang pahayag na tinutulan ng pamahalaang Nigerian na nagsabing karamihan sa mga biktima ng mga armadong grupo ay Muslim.

Noong Disyembre 25, nagsagawa ang U.S. at Nigeria ng air strikes laban sa mga mandirigma ng ISIL (ISIS) sa hilagang-kanluran ng bansa, kasunod ng pangako ni Trump na kikilos laban sa tinawag niyang “Christian genocide.”