CAUAYAN CITY- Katanggap-tanggap para sa Labor Representative for Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang 30 pesos na wage increase sa Lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johnny Alvaro, Labor Representative for Regional Tripartite Wage and Productivity Board, sinabi niya na bagamat hindi lamang umento sa sahod ang kanilang hinihiling ay katanggap-tanggap naman ang 30 pesos na wage increase.
Bago ito ay nagkasa sila ng malawakang public consultation sa buong Region 2 na sinundan ng isang Regional Public Hearing kung saan natalakay ang nararapat na umento sa sahod ng mga mangagawa, kinuha din nila ang opiniyon ng mga employer bago ito dumaan sa deliberasyon.
Kung matatandaan aniya 99% ng mga employer ay galing sa Micro and Small Medium Enterprises kaya naging malaking bahagi sa wage increase ang konsiderasyon para sa kapakanan ng mga employers.
Matatandaan na unang iminungkahi ang 75 pesos wage increase subalit bumaba ito ng 30 pesos via unanimous decision.
Umani naman ng positibong reaksyon ang panibagong umento sa sahod mula sa mangagawa dahil sa isang bagsakan itong ipagkakaloob bilang karagdagang benepisyo para sa kanila.
Mula sa dating 450 pesos ay magiging 480 pesos na ang minimum wage sa Region 2 habang sa Agricultural sector ay 460 at sa mga kasambahay ay 6,000 pesos para sa isang buwang sahod.
Ang panibagong wage increase ay epektibo na ngayong October 17,2024.