Tatlompu’t isang barangay na sa kabuang tatlompu’t pitong Barangay sa Lungsod ng Santiago ang pormal nang idineklarang drug-cleared, ayon sa Santiago City Police Office (SCPO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Osmundo Mamanao, Officer in Charge ng SCPO, kabilang din sa mga drug-cleared ang mismong Lokal na Pamahalaan ng Santiago maging ang kanilang hanay, matapos sumailalim sa mahigpit na validation.
Aniya, patuloy pa rin nilang tinatrabaho ang natitirang anim na barangay na hindi pa deklaradong drug-cleared partikular sa Calao East, Dubinan East, Mabini, Patul, Rizal at Rosario.
Binigyang-diin ni Mamanao na mas lalo pang pinaigting ng SCPO ang kampanya nito laban sa droga sa gitna ng mga ikinakasang operasyon at surveillance sa mga posibleng aktibidad ng illegal drug trade.
Sinabi rin niya na karamihan sa kanilang nahuhuli ay hindi taga-lungsod, kundi mga indibidwal mula sa karatig-bayan na dumadayo pa umano sa Santiago upang magbenta ng ipinagbabawal na gamot.
Tiniyak ni Mamanao na hindi titigil ang SCPO sa pagtugis sa mga drug users at peddlers, bilang bahagi ng kanilang layuning gawing ganap na drug-free ang buong Lungsod ng Santiago.
Aniya, magpapatuloy ang kanilang masinsinang operasyon at pakikipagtulungan sa barangay officials at iba pang ahensya upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga residente.











