--Ads--

CAUAYAN CITY- Handa ang buong pamunuan ng Police Regional Office o PRO 2 na magkasa ng malalimang imbestigasyon katuwang ang National Headquarter kaugnay sa mga narekober na shabu sa karagatang sakop ng Cagayan at Batanes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin, tagapag salita ng Police Regional Office 2, sinabi niya na narekober ang mga iligal na droga na may timbang na 4,577.02 grams sa mga karagatang sakop ng Batanes at Cagayan pangunahin sa bayan ng Sanchez Mira, Aparri , Calayan at Abulug .

Batay sa naging pagsisiyasat ng Regional Forensic Group, ang mga nasabing kontrabando ay mayroong mga Chinese Markings na nagkakahalaga ng 31 million pesos.

Sinisilip ngayon ng Regional Intelligence Division kung ang mga narekober na shabu ay may kaugnayan sa  naunang  nakumpiska na bilyong pisong halaga ng  droga na narekobersa lalawigan ng Ilocos Norte at Pangasinan.

--Ads--

Susuriin din kung pareho ng purity at grade ng shabu na ibinebenta ngayon sa merkado at sa mga narekober ng mga mangingisda.

Nanawagan naman ang PRO 2 sa mga mangingisda na agad na ipaalam sa himpilan ng pulisya ang mga narerekober na mga iligal na droga sa mga karagatan.