Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P19.2 milyong halaga ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush” na natagpuan sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa ulat, nitong Lunes pormal ng ipinasakamay ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Palawan ang 32 pakete ng naturang ilegal na droga mula sa Provincial Intelligence Unit o PIU ng Palawan Police Provincial Office (PPO).
Ang mga kontrabando ay unang nadiskubre ng Western Naval Command sa pamamagitan ng Naval Task Force 41.
Batay sa ulat noong Oktubre 17, namataan ang mga pakete na palutang-lutang ang mga ito malapit sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea.
Kaagad namang nagsagawa ng search and retrieval operations ang mga awtoridad upang makuha ang mga kahina-hinalang bag na natagpuan sa karagatan.
Tinatayang aabot sa 16 kilos ang bigat ng mga dahon ng marijuana na may kabuuang halaga na P19.2 milyon.
Kasalukuyan nang isinasagawa ng PDEA Palawan ang tamang dokumentasyon, imbentaryo, at wastong disposisyon sa mga nakumpiskang droga.











