CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga kasapi ng Ilagan City Police Station ang dalawa sa mga pinaghihinalaang bumaril sa dalawang tao sa Brgy. Marana 1st, Ilagan City
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Ariel Quilang, Acting Chief of Police ng Ilagan City Police Station ang dalawa ay nadakip sa Barangay Santa Isabel Norte.
Ang dalawang suspek na sina Warlito Cadorna,34 anyos,may-asawa, isang security guard at Janjan Domingo, 22 anyos, binata, at kapwa residente ng Santa Victoria, Ilagan City.
Nasamsam sa kanilang pag-iingat ang isang Colt 45 MK IV na may magazine at 6 na bala ng nasabing baril.
Una nang napabalita na ang mga biktimang sina Kyle Laurence Balisi, 17 anyos at Vilamae Sevilla,22 anyos na kapwa residente ng Marana 1st, Ilagan City ay binaril ng riding in tandem suspects sa National Highway sa nabanggit na barangay.
Ang dalawang biktima kasama ang ilang kaibigan ay naglalakad sa gilid ng National Highway nang may dumating na motorsiklo at biglang huminto sa kanilang tapat , dito bumunot ng baril ang angkas sa likod at pinaputukan ang mga naglalakad.
Isunugod sa Isabela Doctor’s General Hospital sa Lunsod ng Ilagan ang dalawang biktima ngunit inilipat din sa isang paribadong pagamutan dito sa Cauayan City si Balisi.
Kasalukuyan nang sumasailalim sa tactical interrogation ang dalawang dinakip na suspek upang malaman ang motibo ng nasabing pamamaril.




