Natanggap bilang benepisyaryo ng TUPAD ang 34 na mga Subok-laya o probationers sa lalawigan ng Isabela.
Ang programa ay batay sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na layuning makapagbigay ng 10-araw na trabaho sa mga nangangailangang indibidwal.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., Chief Parole and Probation , aniya, mas madami ngayon ang benepisyaryo dahil noong nakaraang taon ay livelihood assistance ang ibinigay ng DOLE para sa mga probationers .
Ngayon ay 10-araw din na mag ta trabaho ang mga probationers bago nila makukuha ang kanilang sahod.
Pagkatapos naman aniya ng 34 na benepisyaryo ay ibang probationers naman ang susunod na mapapabilang sa TUPAD at Livelihood assistance.
Iginiit pa niya na mahalaga na tulungan ang mga ito upang magkaroon ng pagkakakitaan at trabaho dahil ang ilan sa mga subok laya ay hirap na makapag apply ng trabaho dahil nakikita sa kanilang Police clearance ang kanilang kinaharap na kaso.
Ikinatuwa ng ahensya dahil hindi nasayang ang tulong na kanilang ibinibigay sa mga probationers.
Ayon pa kay Ginoong Almeda, noong nakaraang taon ay nakapagbigay ang DOLE ng livelihood assistance at isa sa ibinigay ay ang bigasan package.
Aniya, batay sa kanilang monitoring ay tuluyan pang napalago ng mga probationers ang kanilang hanap buhay at sa katunayan ang ilan sa mga ito ay kilala nang negosyante.
Patunay lamang aniya ito na ang tulong at suporta na ibinibigay ng DOLE ay hindi sinasayang ng mga kliyente.











