Nasa 34 na kalsada at tulay sa buong lambak ng Cagayan ang hindi maaaring daanan dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig partikular sa bahagi ng Isabela at Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Office Of Civil Defense Region 2 Information Officer Michael Conag sinabi niya na maliban sa Isabela at Cagayan may mga kalsada at tulay na ring hindi madaananan sa lalawigan ng Quirino.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa sila ng assessment at ilan sa mga major road na hindi maaaring daanan ay ang Nagtipunan-Nueva Vizcaya road dahil sa ilang serye ng pagguho ng lupa.
Naka-antabay na ngayon ang mga heavy equipment sa naapektuhang mga lugar para sa isasagawang clearing operation.
May ilang naitalagang alternate route naman habang may mga Secondary at Barangay road ang one lane passable.
Passable naman ang lahat ng mga all weather bridges subalit may ilang mga Barangay overflow bridges ang patuloy na binabaha partikular ang Allacapan, Tuao, Pinacanauan overflow bridge, Sta. Barbara overflow bridge, Itawes bridge, Ambaguio overflow bridge, Dupax del Norte over flow bridge, Como-Lakar overflow bridge, Alicaocao overflow bridge, Gucab overflow bridge, Baculod overflow bridge, Cabisera 8 overflow bridge,Cansan-bagutari overflow bridge, Bugon bridge, Villa Concepcion bridge, tulay ng Pangulo, Sipat bridge, Linglingay bridge at Gappal bridge, Cabagan-Sta.Maria overflow bridge, Dinapigue-Bukal Norte overflow bridge at Anona-Colorado-Guam Bridge.
Nasira rin ang isang barangay road sa bahagi ng San Mariano isabela partikular sa Barangay Marannao at Barangay Ueg dahil sa labis na saturation ng lupa.
Nagkabitak bitak na ang kalsada at hindi na maaaring daanan ng anumang uri ng sasakyan.
Binabantayan ngayon ng OCD ang antas ng tubig sa Cagayan River dahil sa patuloy itong tumataas na kasalukuyang nasa 9.2 meters na lagpas na sa warning level at patungo na sa critical level.
Aasahang mas tataas pa ang antas ng tubig dahil sa pababa pa lamang ang mga tubig sa down stream dahil sa mga pag-ulang dinala ng bagyong kristine.
Kung maabot ang critical level ay pinangangambahan ang mas malawakang pagbaha sa bahagi ng coastal areas partikular sa Amulung, Alacapan at Alcala, Cagayan.