CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong multiple parricide ang isang ina na pumatay sa kanyang 3 anak sa Caliguian Burgos, Isabela.
Si Marilyn Foronda, 35 anyos, ang suspek sa pagpaslang sa pamamagitan ng pagsakal sa 3 anak na sina Adam McWane, 3 anyos; Stephen Dane, 2 anyos at Shansha Sarah, 3 buwang gulang.
Nakaligtas ang 7 anyos na anak na babae na si Casidy Misha.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng kanilang kapitbahay na si Barangay Health Worker Jona Corpuz na nagtungo siya kahapon sa bahay ni Marilyn nang sabihin ng kanyang hipag na hindi pa sila lumalabas ng bahay matapos niyang tanungin ang tungkol sa kanilang Philhealth.
Sinabi ni Gng. Corpuz na nang hindi buksan ang pintuan ng bahay sa kanyang pagkatok ay sumilip siya sa bintana at nakita niya ang batang 7 anyos at tinanong niya kung nasaan ang ina.
Lumapit sa bintana si Marilyn at hinawi ang kurtina, sumigaw siya at hindi maunawaan ang mga pinagsasabi.
Tinanong ni Gng. Corpuz ang bata kung nasaan ang mga kapatid at sinabi na nakahiga at hindi na gumagalaw.
Nabahala siya kaya’t pinakiusapan ang suspek na tingnan ang kanyang sanggol dahil nami-miss na niya.
Ayon kay Gng. Corpuz, hindi binuksan ni Marilyn ang bintana ngunit nakita niya ang sanggol na hindi na gumagalaw at mapusyaw na kayat humingi na siya ng tulong sa mga kapitbahay at mga kamag-anak ng mga biktima
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Romeo Foronda, bayaw ni Marilyn, sinabi niya na sa mga nakalipas na linggo ay napansin niyang nagkukulong sa bahay ang hipag at mga pamangkin.
Naging magagalitin at pinapalo ang mga anak ngunit hindi na niya pinansin dahil hindi niya inisip na umabot na papatayin ang mga anak
Sa pakikipag-usap ng Bombo Radyo Cauayan kay Marilyn ay hindi maunawaan at hindi magkakatugma ang kanyang mga sinasabi at halatang nawawala sa sarili.
Nakaburol na ang bangkay ng tatlong bata sa kanilang bahay.
Ang mister ni Marilyn na si Noli Foronda na isang seaman ay magbabakasyon sana sa buwan ng Abril ngunit mapapaaga ang kanyang pag-uwi dahil sa pagkamatay ng 3 anak.