Nasawi ang 38 katao habang patuloy na pinaghahanap ang ilan pang nawawala matapos tumaob ang isang tourist boat sa karagatang sakop ng Ha Long Bay, Vietnam nitong Sabado ng hapon, Hulyo 19.
Ayon sa ulat, ang Wonder Sea ay may sakay na 48 pasahero at limang crew members nang mangyari ang insidente dahil sa naranasang malakas na bugso ng hangin dahil sa Tropical Storm Wipha na noo’y papalapit sa hilagang bahagi ng Vietnam na kinabibilangan ng baybaying bahagi ng Ha Long Bay.
Labindalawa ang nailigtas habang 38 na katawan ang narekober malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Lahat ng turistang lulan ng naturang sasakyang pandagat ay pawang mga Vietnamese, kabilang ang ilang bata. Karamihan sa mga pasahero ay mga turista mula Hanoi at ilan sa mga ito ay mga estudyante.
Isa sa mga nakaligtas ay si Dang Anh Tuan, 36 anyos at ayon sa kaniya, nailigtas niya ang sarili sa pamamagitan ng paglangoy palabas sa bintana ng lumubog na bangka.
“It rained for about 15 minutes, and then the boat started to shake vigorously, tables and chairs were jostled around and seconds later the boat overturned,” ani Tuan.
Kumapit aniya siya sa tumaob na bangka at propeller nito, habang naghihintay ng halos dalawang oras bago dumating ang mga rescuer.
Ayon pa kay Tuan, bago mangyari ang trahedya ay humiling ang ilang pasahero na bumalik sa pampang dahil sa sama ng panahon, ngunit sinabi ng crew na malapit na sila sa destinasyon kaya’t nagpatuloy ang biyahe.








