Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng 387 Patient Transport Vehicles (PTVs) mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Luzon.
Ito ang pinakamalaking pamamahagi ng mga PTV sa loob ng isang araw, na layuning mapalakas ang access sa serbisyong pangkalusugan at kahandaan ng mga komunidad sa panahon ng emergency.
Bahagi ito ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP) ng PCSO na layong makapaghatid ng ambulansya at medical transport sa mga LGU at ospital, lalo na sa mga lugar na mahihirap at higit na nangangailangan.
Tiniyak ng pamahalaan na bawat munisipalidad sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay makakatanggap ng isang Patient Transport Vehicle. Ang mga sasakyang ito ay may kakayahang makarating sa pinakamalayong bahagi ng kanilang mga nasasakupan.
Magbibigay ito ng kapanatagan sa bawat pamilya, sapagkat sa oras ng emergency, may maaasahang paraan para ligtas na maihatid sa ospital ang kanilang mahal sa buhay.
Hinimok din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na opisyal na ingatan at gamitin nang wasto ang mga PTV upang mas matagal itong mapakinabangan at patuloy na makapagsilbi sa kanilang mga mamamayan.











