--Ads--

Natukoy ng House Committee on Justice nitong Lunes na sapat ang porma ng ikatlo at ika-apat na impeachment complaints laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon sa panel, ang dalawang bagong reklamo ay sumusunod sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot lamang ng isang impeachment proceeding kada taon laban sa isang opisyal at kinakailangan ding may hindi bababa sa isang endorser mula sa mga miyembro ng Kamara.

Bago tinukoy ang dalawang reklamo bilang sapat ang porma, isinantabi muna ng panel ang unang impeachment complaint na inihain ng Makabayan coalition at kaalyadong grupo noong Pebrero 2 dahil lumalabag ito sa one-year bar rule.

Ayon sa unang complaint, inakusahan si Bise Presidente ng pag-uutos sa mga tauhan na maghanda ng hindi makatotohanan at peke na accomplishment reports, kasama ang pekeng liquidation reports at falsified documents, para isumite sa Commission on Audit upang suportahan ang paggamit ng confidential funds.

--Ads--

Pagpapabaya sa tungkulin sa pamamagitan ng sinadyang pagtanggi na kilalanin ang oversight ng Kongreso sa deliberasyon ng badyet at ang awtoridad nito sa pagsasagawa ng inquiries in aid of legislation.

Ang parehong akusasyon ay makikita rin sa ikalawa, ikatlo, at ika-apat na complaints.

Noong araw din ng pagdinig, opisyal na ininatras ng Tindig Pilipinas ang kanilang ikalawang impeachment complaint na inihain noong Pebrero 2 at nagpahayag na susuporta na lamang sila sa ikatlong impeachment complaint.