--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa 4.6 billion pesos ang halaga ng pinsala ng bagyong ompong sa mais, palay, gulay, fisheries at livestock. Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Manuel Mamba ng cagayan, sinabi niya na umabot sa 154,000 hectares ng palay ang apektado habang sa mais ay 131,000 hectares

Sa imprastraktura ay mahigit Php120 million dahil sa mga napinsala na bahay at gusali.

Walang napinsalang tulay sa Cagayan habang minimal lamang sa mga tubuhan.

Iminungkahi ni Gov. Mamba ng DPWH ang pagputol sa mga puno ng kahoy na nasa gilid ng daan dahil nagiging sagabal ang mga mapuputol na sanga at matutumbang puno ng kahoy kapag may malakas na bagyo.

--Ads--

Maging sa mga bakuran, sinabi ng Gobernador na walang dapat itinatanim na malalaking punong kahoy dahil nagdudulot ito ng pinsala.

Binanggit niya na ang apat na senior citizen na namatay sa Iguig at Baggao, Cagayan ay bunga ng pagkatumba ng punong kahoy at nadaganan ang kanilang mga bahay.

Ayon sa punong lalawigan, pagpapaliwanagin niya ang mga barangay kapitan sa mga barangay kung saan nakatira ang mga biktima kung bakit hindi sila nailikas bago ang pagdating ng bagyo.

Dahil sila ay matatanda, dapat gumawa ng paraan ang mga barangay tanod para sila ay mailikas.

Sinabi pa ni Gov. Mamba na Php104 million ang kanilang calamity fund ngunit hindi sapat ito sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo at rehabilitasyon ng mga napinsala kaya kanilang magpapatulong sila at maaaring gamitin ang kanilang savings na umaabot sa Php100-200 million pesos na trust fund.

Sa Cagayan ay marami pa ring lugar ang walang daloy ng koryente dahil sa malaking pinsala sa mga linya. Maayos na ang linya ng NGCP ngunit patuloy na inaayos ang mga linya ng CAGELCO 1 at 2.

Samantala, hiniling ni Gov. Mamba sa mga kababayang Cagayano na maging matatag.