
CAUAYAN CITY – Hindi umano namalayan ng mga magulang ng 4-anyos na batang babae na kinuha sa kanilang higaan ang kanilang anak habang natutulog at halayin ng 50-anyos na suspek sa San Mateo, Isabela.
Ang suspek ay si Joey Agustin, limampung taong gulang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ina ng biktima, sinabi niya na natutulog sila katabi ang kanyang anak at mister nang pasukin ng suspek ang kanilang kwarto dakong alas dos ng madaling araw noong March 5 at binuhat palabas ng kanilang bahay ang kanilang 4-anyos na anak na babae.
Aniya, masarap ang kanilang tulog kaya hindi na nila namalayan ang pagkuha sa kanilang anak.
Alas kuwatro ng madaling araw ng magising ang panganay nilang anak at doon pa lamang nila nalaman na nawawala na ang biktima.
Una nilang pinuntahan ang bahay ng kanyang biyenan at nang hindi makita ang bata ay nagtungo na sila sa bukid upang hanapin ito.
May nakakita na iniwan ng pinaghihinalaan ang bata sa ilalim ng niyog malapit sa bahay nila subalit wala na umano itong pang ibabang saplot gayundin na basa ang suot nitong jacket.
Batay umano sa bata iniwan siya ng pinaghihinalaan sa ilalim ng puno ng niyog.
Napag-alaman nila na pinilit ng pinaghihinalaan na buksan ang pintuan ng kanilang kusina kung saan ito dumaan papasok ng kanilang bahay.
Ayon naman sa pinaghihinalaan, nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin at hindi niya alam ang kanyang ginawa.
Samanatala, narekoer din ng pulisya mula sa pag-iingat ni Agustin ang isang unit ng kalibre trentay otso na baril at ilang pakete na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.











