CAUAYAN CITY – Patay na nang matagpuan ang 4-anyos na batang lalaki matapos tangayin ng tubig habang siya ay naliligo sa irigasyon sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Ang biktima ay anak ng may-ari ng peryahan na nasa Kalinga Sports Complex at residente ng Guimba, Nueva Ecija.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, naliligo ang biktima kasama ang isa pang bata sa mababaw na bahagi ng irrigation canal nang bigla umanong nadulas ang biktima at tinangay ng tubig.
Dahil malalim at may kalakasan ang agos ay agad naglaho ang bata.
Agad namang ipinaalam ang pangyayari sa mga otoridad at nagsagawa sila ng search and rescue operation.
Pagkatapos ng limang oras ay natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng bata mahigit 500 metro ang layo kung saan siya tinangay ng tubig.