--Ads--

CAUAYAN CITY- Kasalukuyang isinasagawa ang 4-day free surgical operation sa Cauayan District Hospital na pinangunahan ng mga doktor mula sa US.

Mahigit 60 na mga surgeon, nurse, pharmacist, at medical practitioners sa US ang bumisita sa Cauayan para sa programa, habang mayroon din namang mga doktor mula dito sa Pilipinas ang nagsama sama para tulungan ang mamamayan ng Isabela.

Ang naturang programa ay bukas sa lahat ng mamamayan sa buong lalawigan ng Isabela at hindi lamang taga Cauayan ang pwedeng humabol sa pagpapagamot.

Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Richard Mon, mula sa Las Vegas, Nevada, sinabi niya na karamihan sa kanilang na operahan ay ang mga may kaugnayan sa thyroid gland, hernias, lungs, skin test, gal bladder abnormalities, appendicitis at iba pa.

--Ads--

Sa minor surgery mayroon aniyang 40-80 na pasyente sa kada araw, major   surgery ay 20-25 na pasyente, at sa medical cases ay 20-25 sa bawat araw.

Dagdag pa ni Dr. Mon, layunin naman ng kanilang grupo na matulungan ang mga Pilipinong may sakit lalo pa at maraming Pilipino ang walang pinansyal na kakayahang magpagamot.

Samantala, ikinagagalak pa ng ilang mga doktor mula sa USA na sila ay makatulong sa bawat Pilipino.

Ayon kay Dr. Fouad Nouri, sinabi niya na ito na ang kanyang pang apat na pagsama sa medical mission ngunit magkakaibang lugar ang kanilang binibisita.

Naikutan na rin aniya nila ang Bohol at ilang probinsya sa bansa at ikinatutuwa nila na makita ang reaksyon ng mga tao.

Bagaman magkaiba aniya ang lenggwahe ng ilang mga pasyente at doktor ay hindi naman ito nagiging hadlang at nagkakaintindihan pa rin naman aniya sila sa gustong ipagamot ng mga pasyente.

Samantala, Hindi rin naman maramdaman ng mga Doktor at Nurse ang kanilang pagod dahil nakikita nila ang saya ng mga Pilipinong nagagamot.

Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse Cinda Sanner, hangad naman aniya nila na magamot ang mga mahihirap at walang kakayahan na magpagamot.

Aniya, dahil sa dedikasyon ay hindi na nila maramdaman ang kanilang pagod kahit pa man 12-14 oras na silang nagtatrabaho, walang kain, at walang tulog.

Nakikita naman aniya nila na bakas sa mukha ng mga pasyente ang tuwa lalo na ang pamilya ng kanilang naging pasyente na may cleft palate at ang isa pang pasyente na may cyst naman.

Wala kasing katapusang pasasalamat ang ipinapaabot ng mga Pilipino kaya mas ginaganahan aniya sila na magtrabaho.