Arestado ang apat na indibidwal sa Barangay Tagaran, Cauayan City matapos mahuling nagtatapon ng basura sa gilid ng kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Benjie Balauag, sinabi niyang isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa ilegal na pagtatapon ng basura ng apat na suspek sa harap mismo ng tanggapan ng GSIS. Agad niyang inatasan ang mga barangay tanod na rumesponde sa insidente.
Pagdating ng mga tanod sa lugar, nadatnan nila ang apat na indibidwal na aktong nagtatapon ng basura, dahilan upang agad silang arestuhin.
Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang hindi residente ng Barangay Tagaran ang mga nahuling suspek. Dahil dito, mas lalong ikinadismaya ng punong barangay ang insidente.
Nagbabala si Kapitan Balauag sa publiko, partikular sa mga hindi sumusunod sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura, na mahigpit na ipinatutupad ang mga ordinansa sa kalinisan at kaayusan ng barangay.
Ayon sa kanya, sinumang mahuhuling lumalabag ay hindi palalampasin at kakasuhan kung kinakailangan.











