--Ads--

Arestado ang apat na lalaki sa isinagawang anti-illegal logging operation ng Police Regional Office 2 sa Barangay Dy Abra, Tumauini, Isabela dakong alas-7:45 ng gabi ng Enero 25, 2026.

Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP Isabela laban sa iligal na pagpuputol ng punongkahoy at pagkakaingin sa lalawigan. Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas “Mon,” 51; alyas “Fil,” 35; alyas “Ding,” 35- anyos at alyas “Ron,” 25-anyos pawang mga magsasaka at residente ng nasabing barangay.

Pinangunahan ng Tumauini Police Station ang operasyon katuwang ang Provincial Intelligence Unit–Isabela PPO, Provincial Intelligence and Detective Management Unit–Isabela PPO, at ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Cabagan. Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek habang iligal na nagdadala ng mga pinutol na soft wood na ikinarga sa isang three-wheeled motorcycle nang walang kaukulang permit mula sa kinauukulang ahensya.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na piraso ng soft wood na may iba’t ibang laki na may kabuuang volume na 258 board feet at tinatayang halagang ₱12,900, gayundin ang ginamit na three-wheeled motorcycle. Ang mga ebidensya ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng insidente sa pakikipagtulungan ng CENRO Cabagan.

--Ads--

Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang gamit sa Tumauini Police Station para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines laban sa kanila.

Ayon kay PCol. Manuel B. Bringas, Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, mahigpit na ipinapatupad ng PNP Isabela ang pagbabawal sa iligal na pagputol ng punongkahoy dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan at panganib sa publiko. Aniya, ito ay alinsunod sa direktiba ng pamunuan ng Philippine National Police sa ilalim ng Employing Enhanced Managing Police Operations (EMPO) upang paigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng iligal na gawain.