Arestado ang apat na katao sa San Mateo, Isabela matapos tangkaing magpuslit ng iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱140, 000 pesos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Romel Gabia, imbestigador ng San Mateo Police Station, sinabi niya na habang nagsasagawa ng Anti-criminality checkpoint ang kanilang tropa sa Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela ay pinara ng mga ito ang isang kolong-kolong na kinalululanan ng apat na kalalakihan.
Lulan nito sina alias “Jose”, 52 taong gulang; alias “Juan”, 19 taong gulang; alias “Pepe”, 21 taong gulang na pawang mga residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela at alias “Pablo”, 46 taong gulang, residente ng Brgy. 4, San Mateo, Isabela.
Dito napansin ng mga awtoridad ang karga nilang mga kahon na naglalaman ng mga sigarilyo.
Agad na inaresto ang apat na sakay nito matapos bigong magpakita ng legal na dokumento ng mga nasabat na sigarilyo.
Nasamsam sa mga awtoridad mula sa mga suspek ang 10 kahon ng BON International NISE cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱140,000.00.
Nasa kustodiya na ng San Mateo Police Station ang apat na suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (NIRC).











