CAUAYAN CITY-Nasa lock-up cell na ng Sta. Fe Police Station ang apat na lalaking naaktuhang namumutol ng kahoy sa Canabuan, Sta. Fe, Nueva Vizcaya
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 (Anti illegal Logging law ) at Anti-Chainsaw Act.
Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Santa Fe Police Station, 4th Manuever Platoon ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, MENRO-Sta Fe at CENRO Aritao sina Martes Mayao, Ambrocio Balagsa, Gappay Belingnon at July Catao-an pawang mga residente ng Canabuan, Sta. Fe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Senior Inspector Ariel Gabuya hepe ng Sta Fe Police Station na isang impormasyon ang kanilang natanggap kaugnay sa nagsasagawa ng illegal logging sa naturang Barangay pangunahin sa Sitio Spanish at Sitio Lawed.
Sa pagtugon ng mga otoridad sa naturang sumbong ay kanilang narinig at naaktuhan ang sabayang pag-chainsaw at pamumutol ng mga punong-kahoy ng 4 na suspek.
Bagamat mga natumbang mga puno ng tanguile ang kanilang nadatnan ay nakarekober naman ang tropa ng abandonadong natistis na kahoy na tinatayang nasa 827 board feet na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CENRO Aritao, Nueva Vizcaya.




