Natapos na ang apat na araw na confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court sa The Hague.
Pinanindigan ng lead counsel ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na mahina ang mga ebidensiya ng prosekusyon laban kay Duterte.
Iginiit din ni Kaufman na ang ICC Prosecution ang dapat responsable at magpatunay ng authenticity ng mga dokumento na nais nilang kuwestyunin.
Nauna rito, ipinunto ni Kaufman na sa presentasyon ni ICC Prosecutor at trial lawyer Edward Jeremy, sinabi nito na paulit-ulit na pinalitan at na-falsified ang mga reports para palabasin na ang mga operasyon ay lehitimo at self-defense ang nangyari.
Inatake rin ni Kaufman ang depekto sa pahayag ng ICC Prosecution na kinasasangkutan ng dating Albuerra, Leyte Mayor na si Rolando Espinosa at ng kanyang kasama sa selda na si Raul Yap.
Ipinunto ni Kaufman na ang kaso ng Prosecution ay halos nakasalalay lang sa sinabi at narinig ng isang saksi ngunit inamin na walang nakita.
Binanggit ni Jeremy noong Martes ang pagpatay kay Espinosa at iba pa, sa kasagsagan ng digmaan laban sa droga ng administrasyong Duterte.
Sinabihan naman ni ICC judge and defense lawyer ni Duterte na iwasan ang pagbanggit ng mga pangalan ng testigo at detalye ng mga biktima sa isang open session.
Sa kabila ng paniwala ni Kaufman na mahina ang ebidensiya ng prosekusyon, napaulat na nagpahayag ang mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs ni Duterte na sapat ang ebidensiya para matuloy ang trial ni Duterte.
Kinontra naman ni ICC Prosecutor Julian Nicholls ang mga sinabi ni Kaufman lalo na ang tanong nito kung bakit umabot ng apat na taon bago imbestigahan ng ICC ang mga krimen na nagawa ni Duterte.
Ipinunto ni Nicholls na mismong si Duterte ang humarang na maimbestigahan ang mga nagawang krimen kaya ito kumalas sa Rome statue dahil sa tingin niya ay hahabulin siya ng ICC.
Sinabi rin ni Nicholls na mismong si Duterte naman ang “proud” na umaamin sa mga nangyaring patayan na ginawa niya para sa bansa.
Idinagdag ni Nicholls na nais din ni Duterte na maalala siya sa dekadang pagpatay sa kanyang mga mamamayan at mga bata para sa kapakanan ng Pilipinas.










