--Ads--

CAUAYAN CITY- Kalunos lunos ang sinapit ng 4 na paslit matapos silang malunod habang naliligo sa kagagawang fishpond sa Barangay Bannawag, Diffun, Quirino.

Ang nasawi ay ang magkapatid na residente ng La Paz Saguday , Quirino at mag pinsan na residente ng Barangay Bannawag, Diffun, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSGT Jonathan Hacholna ang Imbestigador ng Diffun Police Station, batay sa mga magulang ng mga biktima pasado alas dos ng hapon ay naglalaro pa ang mga ito sa kanilang bahay subalit pasado alas tres ng hapon ng hindi na nila ito nahagilap.

Inutusan umano ng isa sa mga magulang ang anak nito hanapin ang kaniyang kapatid subalit hindi umano nakita.

--Ads--

Dito na sila nagtungo sa bukid kung nasaan ang ginagawang fishpond na may habang 15 meters at lalim na humigit kumulang 3 metro.

Halos gumuho ang mundo ng mga magulang ng 4 na paslit ng makita na nag tutulong tulong na ang mga tao sa lugar para irescue ang mga batang nalunod.

Inabot umano ng 10 hanggang 15 minuto bago tuluyang nahanap ang mga biktima.

Ayon kay PSSGT Hacholna bago ang insidente ay sumakay pa umano ang mga bata sa isang kariton papunta sa fishpond at naligo subalit hindi umano alam ng mga biktima na malalalim ang fishpond.

Batay sa Diffun Police station na labis ang kanilang kalungkutan dahil sa ito ang unang insidente ng pagkalunod na naitala nila sa kanilang nasasakupan kung saan pawang mga bata pa ang biktima.

Sa ngayon ang mga biktima ay naiuwi na sa kani-kanilang mga pamilya at kasalukuyan ng nakaburol.