CAUAYAN CITY – Dalawang lalaki ang dinakip sa pagpapatupad ng COMELEC Checkpoint ng mga kasapi ng San Mateo Police Station habang dalawang lalaki rin ang dinakip matapos hindi tumigil sa COMELEC Checkpoint ng Benito Soliven Police Station.
Ito ay dahil walang maipakitang papeles ng minamanehong traysikel si Jhon Mark Lucena , residente ng Aglipay, Quirino kasama ang isang 16 anyos na binatilyo.
Bukod dito, sila’y nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Sinabi ni Lucena na hiniram lamang nila ang traysikel sa kanilang kamag-anak at nagtungo sila sa Sinamar Norte, San Mateo dahil mayroon silang kakilala sa nasabing barangay.
Makakalabas lamang sa lock-up cell ng San Mateo Police Station ang dalawa kung may maipakita silang papeles ng traysikel at makapagbayad ng P/500.00 bawat isa para sa paglabag sa ordinansa pagmamaneho ng nasa impluwensiya ng alak.
Nadakip din sina John David Domingo,21 anyos, residente ng Ilagan City at Haribert Nicholas, 19 anyos at residente ng Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela.
Ayon sa Benito Soliven Police Station, hindi pinansin ng dalawa ang mga pulis nang sila’y pinapatigil sa COMELEC Checkpoint.
Sa halip ay mabilis pang pinatakbo ni Domingo ang minamanehong motorsiklo kaya’t sila’y hinabol ng mga pulis.
Ang dalawa ay natumba nang makarating sa Dist. 2, Benito Soliven, Isabela.
Natuklasan ng mga pulis na parehong nakainom ng alak sina Domingo at Nicholas at walang kaukulang dokumento ang minamanehong motorsiklo.
Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 41365 Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and disobedience to a person in authority.