CAUAYAN CITY – Apat na ang nakilala sa limang kasapi ng New People’s Army (NPA) na napatay sa air strikes ng Philippine Air Force (PAF) sa kuta ng mga rebelde sa Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.
Target nila ang pagawaan ng mga landmines at tinamaan sa air strikes ang mga nakaimbak na Anti-Personnel Mines (APM) na sumabog kaya maraming rebelde ang napatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col Andree Abella, Information Officer ng Police Regional Office 2 na matapos ilibing kahapon sa public cemetery sa bayan ng Sta. Tereista ay dumating ang ilang kamag-anak ng isa sa mga napatay na rebelde.
Positibong kinilala ng isang ina na taga-Angadanan, Isabela na anak niya ang isa sa mga napatay na si Camio.
Ang mister ng 61 anyos na ginang ay taga-Sta. Ana, Cagayan ngunit nakatira na sa Gattaran, Cagayan.
Unang nakilala ang tatlo na sina Ka Titan, vice commander ng Front Operations Command at lider ng Squad Tres ng East Front ng Komiteng Probinsiya Cagayan ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley at asawang si Ka Judel, medical officer at Ka Marlon na political guide o propagandista.
Sa isinagawang operasyon ng mga kasapi ng 502nd Infantry Battalion Philipine Army ay maraming nasamsam na armas, pampasabog at personal na gamit.
Muling nanawagan si PLt Col. Abella sa mga NPA na kusang magbalik-loob na sa pamahalaan para maiwasan ang mga sagupaan.
Binanggit niya na mula noong Enero ay 113 na regular member ng NPA ang sumuko na sa pulisya at militar sa ikalawang rehiyon. pamahalaan.
May 271 naman na kasapi ng Militia ng Bayan (MB) ang tinalikuran na ang suporta sa makakaliwang grupo.
Umabot sa 90 na baril ang naisuko ng rebelde na nahimok magbalik-loob dahil nakita nila na maganda ang programa ng pamahalaan para sa kanila.






