--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 4 ang nalunod sa ilog sa Isabela sa paggunita ng Biyernes Santo at Sabado de Gloria.

Tatlo ang naitalang nalunod kahapon habang isa ngayong araw.

Patuloy na pinaghahanap ng mga rescue team ang katawan ng isang binata na nalunod sa ilog kaninang alas   nuebe ng umaga sa Lalog 2, Luna, Isabela

Ang pinaghahanap ay si Glen Mey Dela Cruz, 19 anyos, residente ng San Fermin, Cauayan City.

--Ads--

Nagtungo sa ilog si Dela Cruz kasama ang dalawang iba pa nang tangayin sila ng malakas na agos ng tubig.

Ang 2 na kasama ni Dela Cruz ay nasagip ng mga sumaklolong tao na nasa ilog ngunit napadako sa malalim na bahagi si Dela Cruz kaya hindi siya nailigtas.

Nagtutulungan ang mga rescue team mula sa LGU Luna, Luna Police Station at mga kamag-anak ng binata para matagpuan ang kanyang katawan.

Samantala, sa Gamu, Isabela ay nagtutulungan ang rescue team Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at mga barangay tanod ng Furao, Gamu, Isabela para matagpuan ang katawan ng isang lalaki na nalunod sa Cagayan River.

Dakong 12:30pm kahapon, April 14, 2017 nang malunod ang biktimang si Rolando Bautista, 45 anyos, residente ng Mansibang, Naguilian, Isabela.

Ito ay nangyari sa pagtawid sa ilog ni Bautista at kanyang pamangkin na si Gilbert Alonson matapos silang uminom ng alak sa pampang ng ilog sa Mansibang, Naguilian.

Tumawid umano ang dalawa para bumili ng sigarilyo sa Furao, Gamu.

Unang napaulat ang pagkalunod sa ilog sa Reina Mercedes, Isabela ni Anthony Amin, 30 anyos, residente ng Rizaluna Alicia, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Reina Mercedes Police Station, ang biktima ay nagtungo sa bayan ng Reina Mercedes upang doon gunitain ang Semana Santa.

Nagtungo si Amin sa Magat River kasama ang 3  kaibigan na sina Edicio Turaray, Domingo Dula at Dionicio Cappalungan, pawang residente ng Dangan,  Reina Mercedez, Isabela.

Matapos silang  mag-inuman ay naligo  sa ilog  si Amin  ngunit napadako sa malalim na bahagi ng ilog at tinangay ng malakas na agos ng tubig.

Patuloy na pinaghahanap ang katawan ni Amin ng rescue team ng Reina Mercedes Police Station at Rescue 512 ng Pamahalaang lokal.

Sa Angadanan,  Isabela naman ay isang lalaki an nalunod dakong alauna ng hapon noong Biyernes Santo sa Cagayan River na sakop ng Barangay Calaccab Angadanan, Isabela.

Ang nalunod ay si Rodolfo Talamayan, 49 anyos, may asawa at residente sa nasabing barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na tinangka umano ng biktima na tumawid sa ilog subalit nang mapadako sa malalim na bahagi ay hindi na siya lumutang.

Patuloy ang search and retrieval operation sa katawan ng biktima ng mga kasapi ng Angadanan Police Station at mga opisyal ng barangay.