
CAUAYAN CITY – Apat ang nasugatan kabilang ang isang barangay kagawad at kanyang misis sa away ng mga may-ari ng dalawang kalabaw na naghabulan at nahulog ang isa sa sapa sa Villa Concepcion, Cauayan City.
Ang mga biktima na sina Barangay Kagawad Ronaldo Estrada, 47 anyos at misis na si Vivian Estrada, 45 anyos, may-ari ng kalabaw na si Marcial Gladiaza at ama ng nakaaway na may-ari ng isa pang kalabaw.
Ang mga lumalabas na nagsimula ng kaguluhan ay sina Rogeldo Lopez, 65 anyos at anak na si Joel Lopez, 34 anyos, kapwa residente ng Villa Concepcion, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, lumabas sa imbestigasyon na dakong alas otso kagabi nang magtungo sa naturang lugar si Kagawad Estrada upang tumulong sa pag-rescue sa kalabaw ni Marcial Gadiaza na nahulog sa isang sapa sa naturang barangay matapos na awayin at habulin ng kalabaw ni Rogeldo Lopez.
Matapos na maiahon ang kalabaw ay dumating sa lugar ang mag-amang Lopez.
Kinausap umano ng may-ari ng nahulog na kalabaw na si Gadiaza si Joel Lopez at sinabi na kung mapilay ang kanyang kalabaw ay kanilang babayaran.
Nagalit si Joel kay Gadiaza at binunot ang itak na nasa kanyang baywang ngunit nakita ito ni barangay Estrada kaya inawat ang suspek at kinuha ang kanyang itak.
Sa kabila nito ay pinagsusuntok ni Joel Lopez si Gadiaza na tinamaan ang kaliwang bahagi ng kanyang mata at nagtamo rin ng sugat sa kanyang ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Habang umaawat si Kagawad Estrada ay tinaga siya ni Rogeldo Lopez.
Tinamaan ang kanang kamay ng kagawad kaya umawat ang kanyang misis na nagtamo rin ng sugat matapos na itulak ng suspek.
Nakaganti si Kagawad Estrada at sinuntok ang suspek na dahilan para magtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Dinala ng mga tumugon na barangay tanod ang mag-amang Lopez sa Cauayan City Police Station at mahaharap sa mga kasong frustrated homicide, direct assault upon a person in authority at physical injury.




