CAUAYAN CITY – Maituturing na may magandang resulta ang mga inilaglag ng Philipine Airforce (PAF) na leaflets kontra New People’s Army (NPA) dahil apat na rebelde na nakabasa nito ang nagbalik-loob sa pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Col. Augusto Padua, commander ng Tactical Operations Group 2 ng PAF na katuwang sila ng mga kasapi ng Philipine Army sa pagpapakalat ng mga leaflets.
Sinabi ni Col. Padua na inilalaglag ng mga sasakyang panghimpapawid ang mga leaflets sa lugar kung saan may mga hinihinalang nagtatagong rebelde.
Inihayag ni Col. Padua na layunin ng nasabing hakbang na mahikayat ang mga rebelde na sumuko sa pamahalaan nang walang dumanak na dugo.
Matatandaang may mga miyembro ng NPA kasama ang kanilang lider ang sumuko sa mga kasapi ng 95th Infantry BatallionPhilippine Army noong unang linggo ng Mayo 2020 sa San Mariano, Isabela makaraang mapulot at mabasa ang mga leaflets.
Ayon kay Col Padua, sinabi ng mga rebeldeng sumuko na sa pamamagitan mga leaflets ay nalaman nila na walang katotohanan ang sinasabi sa kanila ng kanilang pinuno na makakaranas sila ng pagpapahirap kapag sumuko sa militar.
Sinabi pa ni Col. Padua na hindi lamang kontra rebelde ang nakasulat sa mga leaflets kundi laman din nito ang mga protocols sa Coronavirus Disease (COVID-19)












