Ayon sa Philippine Navy, apat sa 18 nagpakilalang dating sundalo at aide ni dating Congressman Zaldy Co ay hindi opisyal na kasapi ng Philippine Marine Corps o ng anumang bahagi ng Navy, batay sa beripikasyon ng ahensya.
Karamihan sa naturang grupo ay na-discharge nang ‘dishonorably’ mula sa serbisyo, habang iilan lamang ang may good standing, ayon kay Philippine Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez.
Lumutang ang kontrobersiya matapos magpakita ang grupo sa isang press conference para patotohanan ang unang paratang ni dating Marine personnel Orly Guteza tungkol sa paghahatid ng pera ni Zaldy Co kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa kinatawan ng grupo na si Atty. Levi Baligod, sila rin ang inatasang magbigay ng $2 milyon para bayaran ang mga imbestigador ng International Criminal Court.
Nagbabala si Capt. Martinez sa publiko na maging maingat sa kredibilidad ng impormasyon at sa pinanggalingan nito.
Nauna nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat dumaan sa legal na proseso at imbestigasyon ang naturang mga alegasyon. Binanggit din ng AFP na may mga naninira sa hanay ng militar upang galitin ang publiko bago ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Pebrero 25.











