--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang pamunuan ng 7th Infantry Division ng Phils. Army na nahimpil sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija upang makilala ang lima pa sa siyam na kasapi ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) na namatay sa naganap na engkuwentro sa barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija.

Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinilala ni 1st Lt. Catherine Hapin, Chief ng Public Affairs Office ng 7th Infantry Division ng Phil. Army na nahimpil sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija ang 4 sa 9 na namatay na may mga alyas na Ka Razul, Ka Ato, Ka Bunso at Ka Xian.

Sa ngayon katuwang ng mga sundalo ang mga kasapi ng Carranglan Police Station at Scene of the Crime Operatives sa pagtukoy sa pagkakilanlan ng lima pang NPA na napatay sa engkuwentro.

Sinabi pa ni 1st Lt. Hapin na sa siyam napatay na NPA ay isa sa kanila ay babae.

--Ads--

Ang grupo ng mga NPA na nakasagupa ng mga sundalo ay ang mga NPA na kasapi ng Platoon Nueva Ecija-Nueva Vizcaya at Eastern Pangasinan..

Nauna rito ay nakatanggap ang Bravo Company ng 84th Infantry Batallion ng Philippine Army na ang grupo ng labing limang NPA ang nagsasagawa ng extorsion at paniningil ng revolutionay tax sa barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija na kanilang tinugunan subalit sila ay pinaputukan ng mga rebelde.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga sundalo sa anim pang mga rebeldeng tumakas matapos mapatay ang siyam nilang mga kasamahan.