CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay, dalawa ang nagtamo ng mga injury sa katawan matapos silang makuryente nang masagi ang linya ng koryente ng ibabaon sana nilang tubo sa lupa para sa gagawing pumpwell sa San Isidro, Luna, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt. Melchor Aggabao, hepe ng Luna Police Station na dakong 8:45 kaninang umaga nang matanggap nila ang impormasyon hinggil sa pagka-koryente ng 4 na tao.
Isinugod sa ospital ng rescue team ang mga biktima ngunit dead on arrival sina Rodrigo Ramil, 56 anyos at Anthony Agcaoili, 46 anyos,
Nagtamo ng mga injury ang kamag-anak ni Agcaoili na sina Leinard Agcaoili, 22 anyos at Allen Rey Agcaoili, 17 anyos.
Ang 4 na biktima ay pawang residente ng Lalog 2, Luna, Isaela.
Lumabas sa imbestigasyon ng Luna Police Station na nagpatayo ng steel tubular tripod ang mga biktima para sa gagawing pumpwell.
Nang itayo nila ang isang tubo para ilagay sa naunang tubo na ibinaon sa lupa ay sumagi ito sa primary line ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1.
Ayon kay PCapt Aggabao, human error ang nakikita nilang sanhi ng insidente.
Gayunman, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon para malaman ang mga tunay na pangyayari.