--Ads--

Arestado ang apat na indibidwal matapos maaktuhang nagsusugal sa isang operasyon ng pulisya sa lungsod ng Cauayan, Isabela.

Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-2:00 ng hapon noong Abril 11, 2026 sa isang lugar sa Brgy. Sillawit. Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Rico,” “Van,” “Mia,” at “Jun,” na pawang mga residente ng nasabing barangay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa Tactical Operation Center ukol sa umano’y ilegal na pagsusugal sa lugar. Agad namang nagsagawa ng beripikasyon ang pinagsanib na puwersa ng Cauayan Component City Police Station at Regional Maritime Unit.

Sa pagdating ng mga operatiba, naaktuhan umano ang mga suspek na naglalaro ng baraha o “pepito” habang may nakataya na pera sa ibabaw ng mesa. Dahil dito, kaagad silang inaresto.

--Ads--

Nakumpiska sa mga suspek ang isang kahoy na mesa, apat na upuan, isang set ng baraha, at halagang ₱610 na pinaniniwalaang ginamit bilang pusta sa laro.

Ipinaliwanag sa mga naaresto ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas sa wikang kanilang nauunawaan. Dinala naman sila sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon.

 Hinihikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.