CAUAYAN CITY – Hindi madaanan ang ilang tulay sa lalawigan ng Isabela dahil sa mga pag-ulan na dala ng Bagyong Enteng.
Kabilang na rito ang Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City, Baculud Overflow Brudge sa Ilagan City at ang Gucab at Annafunan Overflow Bridge sa Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na ala una kaninang madaling araw ay umapaw na ang tubig sa Alicaocao Overflow Bridge dahilan kaya’t hindi na ito madaanan pa ng kahit na anong uri ng sasakyan.
Inabisuhan naman niya ang publiko pangunahin na ang mga residente ng Forest Region at East Tabacal na dumaan na lamang sa alternate route sa bahagi ng Naguilian, Isabela kung sila man ay magtutungo sa Poblacion area o vice versa.
Naka-preposition naman na ang mga motorized bangka para matulungang makatawid sa ilog ang mga residente.
Pinayuhan naman nila ang mga operator ng Bangka na limitahan lamang ang kanilang mga pasahero at tiyaking nakasuot ang mga ito ng life vest upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Dahil sa pagbaha ay naapawan din ng tubig ang approach ng Alicaocao Overflow Bridge na sumasailalim sa rehabilitasyon.
Umaasa naman si POSD Chief Mallillin na hindi masisira ng tubig ang kinukumpuning bahagi ng tulay lalo na at malakas ang current ng tubig sa ilog.