--Ads--

Ibinahagi ng apat na turista mula sa Lalawigan ng Isabela ang kanilang karanasan matapos ang magnitude 7.4 na lindol sa Davao Region kahapon.

Sa isang exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan sa magkakaibigang sina Hardie, Princess, Kaila, at Quenie na pawang mula sa Lalawigan ng Isabela at kasalukuyang nagbabakasyon sa Davao, ibinahagi nila ang nakapanlulumong karanasan.

Ayon sa grupo, nasa Davao del Norte sila at kasalukuyang nasa isang two-story na bahay nang biglang tumama ang magnitude 7.4 na lindol.

Buong akala nila ay sandali lamang ang pagyanig, ngunit lalo pa itong lumakas at nagdulot ng malawakang power outage.

--Ads--

Mabuti na lamang, ayon sa kanila na ang bahay na kanilang tinutuluyan ay bagong gawa at medyo matibay. Ngunit ang bahay ng mga in-laws ni Kaila ay lubos na napinsala ng lindol.

Matapos ang malakas na lindol, nagpasya pa rin silang ipagpatuloy ang kanilang pamamasyal. Habang sila ay nasa Tagum City, partikular sa Tagum Night Market, kung saan muling naramdaman ang ilang aftershocks, kabilang na ang isang 6.9 magnitude na lindol na tumama pasado alas-7 kagabi.

Ayon kay Kaila Trisha Matias, habang sila ay kumakain ay biglang yumanig ang lupa. Dahil malakas ang aftershock at tumagal ito ng humigit-kumulang 15 segundo, maraming tao sa night market ang nagtangkang lumikas. Nagsilabasan ang mga tao mula sa mga tent at nagtungo sa open area, habang may ilan na nahimatay sanhi ng matinding pagkahilo at takot.

Dahil dito, muling nawalan ng kuryente sa Tagum City at tatlong ambulansya ang rumesponde upang tumulong sa paglikas ng ilang pasyente sa lugar.

Dahil sa matinding trauma na kanilang naranasan dulot ng magkakasunod na lindol, nais na lamang ng grupo ni Kaila na agad makauwi pabalik ng Isabela.